--Ads--

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan sa Echague, Isabela habang humihina naman ang bentahan ng mga rice retailer dahil mas pinipili ng maraming mamimili ang ₱20 kada kilo na bigas sa ilalim ng programa ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Victoria Diaron, isang rice retailer sa Echague, sinabi nitong patuloy na tumataas ang kanilang puhunan sa pagbili ng bigas ngunit hindi ito nasasabayan ng kanilang benta dahil mas tinatangkilik ng mga mamimili ang mas murang bigas ng pamahalaan kahit kinakailangan pang pumila upang makabili.

Ayon kay Diaron, malaki ang epekto nito sa mga rice retailer dahil halos kalahati lamang ng presyo ng kanilang pinakamurang ibinebentang bigas ang halaga ng bigas na inilalabas ng pamahalaan.

Aniya, nasa ₱43 kada kilo na ang pinakamurang bigas sa kanilang tindahan mula sa dating ₱38 kada kilo, habang umaabot naman sa ₱57 kada kilo ang pinakamahal nilang lokal na bigas.

--Ads--

Dagdag pa niya, wala pang dumarating na imported na bigas sa kanilang lugar at patuloy na tumataas ang presyo ng kanilang suplay mula ₱990 hanggang ₱1,050–₱1,070 kada sako na may timbang na 25 kilo.

Dahil dito, napipilitan silang magtaas ng presyo upang hindi malugi. Inaasahan din aniya na maaari pang tumaas ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo dahil wala pang bagong anihan na magpapaluwag sa suplay ng palay.