Hindi na ikinagulat ng Federation of Free Farmers ang halos 18% na pagbaba ng produksyon ng palay noong Hulyo, Agosto at Setyembre, bunsod ng mataas na gastos sa pagsasaka at epekto ng mga kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong maaga pa lamang noong 2026 ay nagrereklamo na ang mga magsasaka sa mahal na pataba, kemikal, pamatay-insekto at gasolina, na sinabayan pa ng mga pagbaha at bagyo.
Ayon kay Montemayor, posibleng umabot sa 5.8 milyong metriko tonelada ang aangkating bigas ng bansa ngayong taon, at maaari pang lumampas sa anim na milyong metriko tonelada kung titindi ang Super El Niño.
Batay umano sa mga ulat na natatanggap niya, maaari pang bumaba ang produksyon kaya dapat paghandaan ang pagtaas ng presyo ng bigas ngayong taon at sa susunod.
Bilang hakbang, hinimok niya ang NIA at mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng mga solar-powered impounding system upang mapalawak ang patubig sa mga palayan at makatulong na mapataas ang produksyon.











