--Ads--

Bumaba ng 27% ang crime index sa bayan ng Echague, Isabela ngayong 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Ivy Barerra, Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi nitong mula January hanggang August ngayong taon ay nasa 43 lamang ang naitalang crime incidents, kumpara sa 59 noong 2025.

Katumbas ito ng pagbaba ng 16 na insidente.

Ayon kay Barerra, kabilang sa mga naitalang bumaba ang road crash incidents mula 47 noong nakaraang taon tungo sa 41 ngayong taon, habang ang rape o sexual assault ay mula anim ay naging isa na lamang.

--Ads--

Wala namang naitalang motornapping, robbery at theft sa parehong panahon ngayong taon, ayon sa opisyal.

Samantala, iniuugnay ni Barerra ang pagbaba ng crime index sa pinaigting na police patrolling, pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan.

Binigyang-diin nitong mahalaga ang tulong ng komunidad upang masolusyunan ang mga insidente at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.

Sa usapin naman ng road accidents, sinabi ni Barerra na karamihan sa 41 insidenteng naitala ngayong taon ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Kabilang sa mga nakikitang sanhi ang pagmamaneho nang lasing, kawalan ng pag-iingat at hindi pagsunod sa batas trapiko.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng checkpoints ng kapulisan laban sa mga nagmamaneho nang walang lisensya at sa mga lumalabag sa traffic laws.

Pinaigting din ng Echague Police Station ang paghuli sa mga gumagamit ng maingay na motorsiklo, partikular pagsapit ng gabi, upang hindi maistorbo ang mga nagpapahinga nilang kababayan.

Samantala, sinabi ni Barerra na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga paaralan at magulang para sa seguridad ng mga mag-aaral.

Kabilang dito ang pagbabantay sa mga paaralan tuwing pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante, gayundin ang pagtalakay sa mga kabataan sa masamang epekto ng droga at iba pang krimen.

Sa kampanya kontra illegal drugs, sinabi ng opisyal na itinuturing na drug-free ang bayan ng Echague, ngunit hindi sila nagpapakampante at patuloy ang intelligence monitoring upang agad na masawata ang sinumang sangkot sa ilegal na droga.