--Ads--

Itinanggi ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng umano’y planong pag-alis sa bansa ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Ginawa ng kawanihan ang pahayag matapos idemand ng mga abogado ni Romualdez sa ahensiya na humingi ng tawad kaugnay ng maling ulat na tinatangka ng mambabatas na umalis ng bansa.

Giit ng BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling committed ang kawanihan sa pagbibigay ng totoo, tama at responsableng impormasyon sa publiko habang iginagalang ang due process at constitutional rights ng lahat ng mga indibidwal.

Aniya, ang impormasyong ibinigay ng BI kaugnay ng umano’y planong pagbiyahe sa ibang bansa ni Romualdez na hindi natuloy ay noong April 2026.

--Ads--

Saad pa ng BI chief na ang tugon ng Kawanihan ay batay sa impormasyong mayroon sila noong panahong iyon at inilabas lamang bilang sagot sa mga lehitimong katanungan ng media. Hindi aniya ang Kawanihan ang nagpasimula ng public discussion ukol sa usaping ito.

Matatandaang, noong Abril 2026, humiling ang mambabatas na makabiyahe sa labas ng bansa para sa angiosplasty follow-up checkup, subalit hindi natuloy matapos mag-isyu ang Sandiganbayan Seventh Division ng precautionary hold departure order laban kay Romualdez kaugnay ng kaniyang pagkakadawit sa umano’y kickback scheme sa flood control projects.