Arestado ang isang 57-anyos na Japanese fugitive na umano’y kabilang sa mga lider ng transnational criminal syndicate na JP Dragon sa isinagawang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Cabanatuan City noong Oktubre 31.
Kinilala ang suspek na si Yamamoto Yoshitama, na wanted sa Japan dahil sa mga kasong fraud, theft at attempted theft.
Ayon sa BI, iniuugnay ang JP Dragon sa mga panloloko sa matatandang Japanese citizen sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga pulis upang makuha ang kanilang ATM cards at banking information.
Pinaniniwalaang nasa 250 biktima ang naloko ng grupo at umabot sa ¥900 million o katumbas ng humigit-kumulang ₱362 milyon ang kanilang nakulimbat mula pa noong 2019.
Inaasahang mananatili si Yamamoto sa BI Warden’s Facility habang hinihintay ang deportation proceedings laban sa kaniya.











