Nagbabala ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump sa Ukraine laban sa pag-atake sa mga komersyal na barkong hindi pag-aari ng Russia sa Black Sea.
Kasunod ito ng isinagawang drone attack ng Ukraine malapit sa Russian port ng Novorossiysk, kung saan apat na oil tanker ang naging target. Kabilang umano sa mga barkong naapektuhan ang isang tanker na inuupahan ng Chevron, dahilan upang mabahala ang mga kumpanya sa sektor ng enerhiya hinggil sa seguridad ng mga international energy shipments.
Ayon sa ulat, pansamantalang naantala ang pagluwas ng langis sa pamamagitan ng Caspian Pipeline Consortium (CPC), na nag-udyok sa Kazakhstan na bawasan ang produksiyon nito dahil sa kakulangan ng imbakan.
Dahil dito, nakipagpulong umano si Mike Wirth sa mga matataas na opisyal ng Estados Unidos upang ihayag ang kanyang pangamba sa posibleng panganib sa mga imprastraktura ng enerhiya at sa pandaigdigang supply chain.
Kasunod ng insidente, nagsagawa umano ng mga konsultasyon ang White House sa mga kinatawan ng industriya ng enerhiya at ipinaabot sa Ukraine na hindi katanggap-tanggap ang pag-atake sa mga commercial vessel na hindi kabilang sa Russia.
Binigyang-diin umano ng Washington ang kahalagahan ng Black Sea energy corridor, na itinuturing na mahalagang ruta para sa Europa sa pagsisikap nitong mabawasan ang pagdepende sa enerhiyang nagmumula sa Russia.











