--Ads--

Dalawa ang nasawi habang 11 tripulante ang nailigtas matapos masunog at tuluyang lumubog ang cargo ship na Royad Mammadov sa Black Sea, sa labas ng territorial waters ng Romania.

Ayon sa Romanian Interior Ministry, 11 crew members ang nasagip, kabilang ang isang nasugatan. Kinumpirma naman ng Romanian Naval Authority na sangkot sa insidente ang naturang barko.

Sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy na ang insidente ay resulta umano ng pag-atake ng dalawang Russian drone sa civilian vessel na may kargang mais at pagmamay-ari ng Türkiye.

Ayon kay Zelenskiy, kabilang sa mga sakay ng barko ang mga Azerbaijani at Indian nationals. Kinumpirma rin niyang nasawi ang kapitan ng barko habang patuloy pang inaalam ang sinapit ng isa pang crew member.

--Ads--

Samantala, wala pang agarang pahayag ang Russian authorities kaugnay sa alegasyon. Sa naunang bulletin ng Russian Defense Ministry, sinabi nitong dalawang cargo vessel ang kanilang tinamaan.

Ang barko ay may flag ng St. Kitts and Nevis at patungo sana sa Ravenna, Italy. Huli itong dumaong sa Ukrainian port ng Izmail.

Naganap ang insidente malapit umano sa isang oil platform na pinatatakbo ng Romanian energy company na OMV Petrom, na nagsabing normal ang operasyon ng kanilang pasilidad.

Ang Romania, na miyembro ng NATO, ay may 614-kilometrong border sa Ukraine at ilang beses nang nakaranas ng pagpasok ng Russian drones sa airspace nito mula nang magsimula ang digmaan ng Russia at Ukraine.