Pinaigting ng pamunuan ng Cauayan City Public Market ang seguridad sa loob ng palengke kasunod ng banta ng mga insidente ng laslas-bag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Romulo Bucarile, Market Marshal ng Cauayan City, sinabi nitong tuloy-tuloy ang kanilang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa pamamagitan ng regular na pagroving ng mga tauhan sa loob ng pampublikong pamilihan.
Ayon kay Bucarile, batay sa kanilang obserbasyon, karaniwang kumikilos ang mga masasamang-loob kapag humihina ang presensya ng mga nagpapatrolyang tauhan kaya lalo nilang pinaigting ang pagbabantay sa bawat bahagi ng palengke.
Dahil dito, hinimok nito ang mga may-ari ng pwesto at mga tindera na maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang indibidwal, lalo na sa mga nagsusuot ng face mask o helmet sa loob ng palengke nang walang malinaw na dahilan.
Pinayuhan din ni Bucarile ang mga mamimili na maging maingat sa pagdadala ng kanilang bag, cellphone at iba pang mahahalagang gamit, lalo na kung may dalang malaking halaga ng salapi, upang hindi mabiktima ng mga grupong sangkot sa laslas-bag at iba pang uri ng pagnanakaw.
Dagdag pa nito, mahalaga ang kooperasyon ng mga tindera at mamimili sa mga ipinatutupad na seguridad upang mapanatiling ligtas ang pamimili sa Cauayan City Public Market.











