Suportado ng ilang residente ng Cauayan City ang panukalang alisin ang system loss charge sa buwanang singil sa kuryente, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang hindi na maipasa sa mga konsyumer ang naturang bayarin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Claro, isang consumer, sinabi nito na malaking ginhawa para sa mga mamamayan ang anumang hakbang na magpapababa sa halaga ng kanilang buwanang bayarin sa kuryente, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin.
Ayon kay Claro, malaki ang maitutulong ng pag-aalis ng system loss charge upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino at magkaroon sila ng dagdag na pondo para sa iba pang mahahalagang pangangailangan.
Binigyang-diin din niya na sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya, mahalagang mabigyan ng kaginhawaan ang mga konsyumer sa pamamagitan ng mga programang direktang magpapababa sa kanilang gastusin.
Umaasa naman ang ilang residente na maisasabatas ang naturang panukala upang tuluyang mabawasan ang kanilang buwanang bayarin sa kuryente at makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan.











