--Ads--

Niyanig ng magnitude 7.1 na lindol ang Kumamoto Prefecture sa timog bahagi ng Japan ngayong Martes na nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa libo-libong kabahayan, paghinto ng mga serbisyo ng tren, at paglalabas ng babala sa tsunami at mga posibleng aftershock.

Sa ulat ng Japan Meteorological Agency (JMA), naglabas ng tsunami warning para sa posibleng isang metrong taas ng alon matapos ang malakas na pagyanig. Nagpalabas din ng emergency earthquake warnings ang pamahalaan ng Japan para sa mga prefecture ng Kumamoto, Nagasaki, Kagoshima, Fukuoka, Saga, Oita, at Miyazaki sa isla ng Kyushu.

Ayon sa Kyushu Electric Power, nasa 40,000 kabahayan ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa lindol habang pansamantalang itinigil ng JR Kyushu ang operasyon ng kanilang mga tren, kabilang ang mga high-speed bullet train.

Apektado rin ng pangyayari ang mga lugar na kinaroroonan ng mga planta ng Sony at Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC), ang pinakamalaking contract chipmaker sa buong mundo. Sinabi ng Sony na kanilang sinusuri ang sitwasyon habang wala pang inilalabas na pahayag ang TSMC.

--Ads--

Sa kabila nito, tiniyak ng Nuclear Regulation Authority ng Japan na walang naitalang abnormalidad sa mga nuclear power plant sa mga apektadong lugar.

Samantala, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang banta ng tsunami sa Pilipinas dulot ng lindol.

Ayon sa PHIVOLCS, ang mga mapanganib na tsunami wave ay posible lamang sa mga baybayin na nasa loob ng 300 kilometro mula sa epicenter ng lindol kaya’t hindi inaasahang maaapektuhan ang bansa.

Kilala ang Japan bilang isa sa mga bansang madalas makaranas ng lindol dahil matatagpuan ito sa Pacific Ring of Fire. Tinatayang 20 porsiyento ng mga lindol sa buong mundo na may magnitude 6.0 pataas ay nagaganap sa Japan.

Matatandaan na noong 2016, isang malakas na lindol din ang tumama sa Kumamoto na ikinasawi ng 275 katao at ikinasugat ng mahigit 2,700 iba pa.