Nananatiling kritikal ang kondisyon ng komedyanteng si Ate Gay o Gil Morales at umaasa pa rin sa life-support machine matapos ma-stroke noong Huwebes, Oktubre 29.
Sa medical update ng pamilya nitong Biyernes, sinabi nilang nalampasan na ng komedyante ang unang septic shock na dulot ng malubhang impeksyon at pneumonia.
Gayunman, nagkaroon umano siya ng pinsala sa kanang bahagi ng utak dahil sa stroke kaya nananatili sa Intensive Care Unit (ICU) ng Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City.
Ayon sa pamilya, hindi pa ligtas na ilipat si Ate Gay sa ibang ospital dahil sa kanyang kondisyon, kaya susundin muna nila ang payo ng mga doktor na ipagpatuloy ang gamutan sa naturang pagamutan.
Nagpasalamat din ang pamilya sa patuloy na tulong pinansiyal, suporta at panalangin ng publiko habang patuloy silang naghahanap ng karagdagang medical assistance para sa komedyante.





