Nagtungo na sa Dakar, Senegal ang unang batch ng mga atletang Pilipino na sasabak sa Youth Olympic Games.
Kabilang sa delegasyon ang mga swimmer na sina Jamesray Michael Ajido at Riannah Chantelle Coleman, kasama ang kanilang mga coach na sina Jensen Halili at Ramil Ilustre, gayundin ang wushu athlete na si Angel Polo at Chinese coach na si Li Jianfang.
Mula Istanbul, sasailalim muna sila sa walong oras na layover bago bumiyahe nang halos siyam na oras patungong Dakar.
Sina Ajido at Coleman ang magsisilbing flag-bearers ng Team Philippines sa opening ceremony sa Sabado, bagama’t hindi na nila tatapusin ang programa upang makapagpahinga bago ang kanilang swimming heats sa Linggo.
Inaasahan namang sasalubungin ng Philippine Olympic Committee officials at ni chef de mission Rocky Samsom ang delegasyon sa Athletes Village.
Susunod na bibiyahe sa Dakar ang mga atleta sa gymnastics sa Sabado, habang susundan naman sila ng mga kinatawan sa cycling at athletics sa Nobyembre 4.










