--Ads--

Umabot sa 26 barko ng China ang namataan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa apat na mahahalagang lugar sa West Philippine Sea (WPS) mula Hulyo 21 hanggang 26.

Ayon kay AFP spokesperson for the WPS at Navy reservist Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namonitor ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) sa Ayungin Shoal, Bajo de Masinloc, Escoda Shoal, at Pag-asa Islands.

Sa tala ng AFP, siyam na barko ang namataan sa Ayungin Shoal, kabilang ang pitong CCG at dalawang PLAN vessels; 13 CCG vessels sa Bajo de Masinloc; isang CCG vessel sa Escoda Shoal; at tatlong barko malapit sa Pag-asa Islands na binubuo ng isang CCG at dalawang PLAN vessels.

Mas mataas ito kumpara sa 24 barkong naitala ng AFP sa isinagawang monitoring noong Hulyo 7 hanggang 13.

--Ads--

Sinabi ni Trinidad na mahalaga ang tuloy-tuloy na pagbabantay upang agad na matukoy at masuri ang mga sasakyang pandagat na kumikilos sa loob ng katubigan ng Pilipinas.

Binigyang-diin din niya na sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at presensya ng Philippine Navy, napapalakas ang pagtatanggol sa soberanya at mga karapatan ng bansa habang pinananatili ang seguridad at katatagan sa karagatang sakop ng Pilipinas.