Niyanig ng magnitude 5.6 na lindol ang karagatang malapit sa Jomalig, Quezon bandang alas-10:11 ng gabi nitong Miyerkules, Hulyo 29, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang pagyanig sa lalim na 10 kilometro at malawak itong naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, Rizal, Quezon, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Camarines Norte, Camarines Sur, at iba pang karatig na lugar.
Naitala ang Intensity III sa Quezon City.
Batay sa instrumental intensity report ng PHIVOLCS, naitala rin ang Intensity III sa mga bayan ng Jose Panganiban at Mercedes sa Camarines Norte, gayundin sa Guinayangan at Infanta sa Quezon.
Samantala, naitala ang Intensity II sa Ragay, Iriga City, Pili, Sipocot, at Sagnay sa Camarines Sur.
Sa ngayon, wala pang naiuulat na pinsala o nasawi kaugnay ng naturang lindol.









