--Ads--

Nagpatupad ng mga hakbang ang Quezon Police Station matapos ang naitalang insidente ng pambabato sa mga dumadaang sasakyan sa Barangay Barucboc, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Juanito Garcia Jr., Officer-in-Charge ng Quezon Police Station, sinabi nito na batay umano sa kanilang rekord ay mayroon nang naitalang insidente ng pambabato sa naturang lugar.

Agad aniyang nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng Barangay Barucboc at nagtakda ng pagpupulong upang matukoy ang mga posibleng sangkot. Lumalabas umano na mga menor de edad ang ilan sa mga nasasangkot kaya nais din niyang makausap ang mga ito upang malaman ang buong pangyayari.

Bilang tugon, napagdesisyunan ng pulisya na magpwesto ng mobile patrol sa lugar upang magsilbing deterrent at maiwasan ang pag-uulit ng kahalintulad na insidente.

--Ads--

Ayon kay Garcia, madilim ang bahagi ng national highway kung saan nangyari ang insidente at may kakahuyan sa gilid na maaaring pagtaguan ng mga nambabato. Batay naman sa paunang rekord ng pulisya, mga nakasakay umano sa single motorcycle ang sangkot.

Sa naturang insidente na naganap dakong alas-12:45 ng madaling-araw noong Hulyo 29, nasalubong umano ng mga suspek ang isang puting Isuzu Elf. Posibleng nasilaw umano sila sa ilaw ng sasakyan kaya ito binato.

Nabasag ang windshield ng Isuzu Elf at nasugatan ang driver nito at hindi naman nasaktan ang dalawang sakay nito.

Gayunman, alas-3 na ng hapon na naipagbigay-alam sa pulisya ang insidente kaya nagkaroon ng pagkaantala sa pagtugon. Dahil dito, nagsagawa na lamang ang mga pulis ng follow-up investigation.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Quezon Police Station ang insidente, lalo na’t hindi pa matukoy ang eksaktong lugar kung saan naganap ang pambabato dahil nasa boundary ng Quezon at Mallig, Isabela ang lugar.