Arestado ang isang Provincial Most Wanted Person ng Isabela matapos ipatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kanya sa Barangay Minabbag, Quezon, Isabela, dakong alas-3:10 ng hapon nitong Setyembre 1, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Maynard,” 45-anyos, binata, elementary undergraduate, construction worker at residente ng nasabing bayan. Siya ay nakapuwesto bilang No. 6 Provincial Most Wanted Person ng Isabela.
Ayon sa pulisya, matagumpay na ipinatupad ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Santa Maria Municipal Police Station, sa pangunguna ni PMaj. Jose Torijos, Chief of Police, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office at Regional Intelligence Division 2, ang warrant laban sa akusado.
Ang warrant of arrest ay inilabas noong Hulyo 30, 2026 ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 22, Cabagan, Isabela, kaugnay sa kasong murder at walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa Santa Maria Municipal Police Station para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya.
Nakatakda namang i-turn over ang akusado sa korte na nagpalabas ng warrant para sa kaukulang proseso.











