--Ads--

Tumanggap ng livelihood assistance ang 11 persons with disabilities (PWDs) sa Cauayan City mula sa Department of Labor and Employment-Isabela Field Office (DOLE-IFO) bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disability Rights Week 2026 noong Hulyo 22.

Layunin ng programa na matulungan ang mga benepisyaryo na magkaroon ng mas matatag na pinagkakakitaan alinsunod sa direktiba ni Labor Secretary Francis N. Tolentino na ilapit ang mga programa at serbisyo ng DOLE sa mga manggagawa at sektor na higit na nangangailangan ng tulong.

Pinangunahan ni Administrative Assistant III J’Miguel N. Bacani ang pamamahagi ng mga livelihood package sa ngalan ni DOLE Isabela Provincial Head Reginald B. Estioco.

Hinimok ni Bacani ang mga benepisyaryo na pahalagahan, pangasiwaan nang maayos, at palaguin ang kanilang mga livelihood project upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pinagkukunan ng kita.

--Ads--

Umabot sa humigit-kumulang ₱370,000 ang kabuuang halaga ng ipinamahaging tulong na kinabibilangan ng tatlong sari-sari store projects, dalawang rice retailing business, at tig-isang proyekto para sa pagbebenta ng balut, frozen goods, printing services, salon services, snacks, at pwesto sa pamilihan.

Kabilang sa mga benepisyaryo si Diana Blas Villanoza, 40-anyos, na may kapansanan sa paggalaw at dati nang nagtitinda ng prutas at gulay sa palengke.

Nagpasalamat si Villanoza sa natanggap na tulong at sinabi nitong malaking pagkakataon ito upang mapalawak pa ang kanyang kabuhayan, makapag-ipon, at masuportahan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.