--Ads--

Tinatayang nasa 400,000 hanggang 500,000 na validated beneficiaries ang kasalukuyang nasa waitlist upang mapasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy ang pagpapatala ng mga bagong benepisyaryo batay sa validated waitlist upang maabot ang taunang target na 4.4 milyong kabahayan na saklaw ng programa.

Sa kasalukuyan, mahigit 2.8 milyong kabahayan pa lamang ang kabilang sa 4Ps.

Ipinaliwanag ni Dumlao na pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pananatili ng mga benepisyaryo sa programa sa pamamagitan ng Executive Order No. 120, sa kabila ng dating pitong taong limitasyon, upang mabigyan pa ng tulong ang mga pamilyang hindi pa nakaaabot sa antas ng pagiging self-sufficient.

--Ads--

Ayon sa DSWD, taunang sinusuri ng mga social worker ang kalagayan ng mga benepisyaryo gamit ang Social Welfare and Development Indicators (SWDI) upang matukoy kung sila ay nasa survival, subsistence, o self-sufficient level.

Kapag naabot na ng isang benepisyaryo ang Level 3 o self-sufficient status, maaari na itong magtapos sa programa at ilipat sa pangangasiwa ng lokal na pamahalaan upang matiyak na hindi na muling babalik sa kahirapan.

Sinabi rin ni Dumlao na mahigit 1.6 milyong kabahayan na ang nakalabas sa 4Ps mula noong 2022, na nagbibigay-daan upang maisama sa programa ang mga pamilyang nasa waitlist.

Batay sa pamantayan ng DSWD, kabilang sa mahihirap na pamilya ang mga kumikita ng mas mababa sa P13,000 kada buwan.