Nababahala ang grupo ng mga magsasaka sa bansa matapos ang inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay ng pagbaba ng produksyon ng palay sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers (FFF) Chairman Leonardo Montemayor, sinabi niyang sa nakalipas na anim na buwan ay bumaba ng mahigit 6% ang produksyon ng palay, bagay na aniya ay dapat ikabahala dahil may direktang epekto ito sa suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Montemayor, kung tumataas ng 1% kada taon ang populasyon ng isang bansa, dapat ay tumataas din nang hindi bababa sa 1% ang produksyon ng pagkain upang matiyak na sapat ang suplay at maiwasan ang kakulangan sa pagkain.
Binigyang-diin niya na nakakaalarma ang pagbaba ng produksyon dahil maaari itong magdulot ng mas malaking pagdepende sa imported na bigas at makaapekto sa katatagan ng suplay ng pagkain sa bansa.
Batay sa datos ng PSA, umabot lamang sa 4.40 milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay sa unang quarter ng 2026, o 6.3% na mas mababa kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ito rin ang pinakamababang naitalang produksyon para sa unang quarter mula noong 2020.
Ayon sa PSA, kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng produksyon ang epekto ng hindi kanais-nais na lagay ng panahon, kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang lugar, at pagbawas ng lawak ng mga taniman ng palay sa ilang rehiyon.
Gayunman, ipinakita rin ng pinakahuling pagtataya ng PSA na maaaring tumaas ng 5.7% ang produksyon ng palay para sa Abril hanggang Hunyo 2026 kumpara sa parehong panahon noong 2025, na maaaring makatulong upang mabawi ang naunang pagbaba ng produksyon.
Upang matugunan ang problema, iginiit ni Montemayor na kailangang paigtingin ng pamahalaan ang mga programang direktang makikinabang ang mga magsasaka, kabilang ang suporta sa produksyon, irigasyon, farm inputs, at makatarungang presyo ng kanilang mga ani.
Aniya, bagama’t malaki ang pondong inilalaan ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura, hindi ito gaanong nararamdaman ng maraming magsasaka dahil sa mababang farmgate price ng palay at sa patuloy na pagdagsa ng imported na bigas sa merkado.
Dagdag pa niya, kahit pondohan nang husto ang mga magsasaka, kung babagsak naman ang presyo ng palay tuwing panahon ng anihan dahil sa malaking volume ng imported na bigas, patuloy pa ring malulugi ang mga lokal na producer at maaaring mawalan ng gana ang mga ito na magtanim sa mga susunod na taon.











