Inaasahang bababa ng 13.3% ang produksyon ng palay sa ikatlong quarter ng 2026 dahil sa posibleng epekto ng El Niño, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority (PSA), inaasahang aabot lamang sa 3.25 milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay mula Hulyo hanggang Setyembre, mas mababa kumpara sa 3.75 milyong metriko tonelada na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon sa DA, kabilang sa mga nakaapekto sa produksyon ang pagkaantala ng pagtatanim dulot ng huling pagdating ng ulan at kakulangan sa suplay ng irigasyon.
Gayunman, tiniyak ng ahensya na patuloy nitong palalakasin ang suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mas pinalawak na pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA), pagbibigay ng tulong pinansyal, crop insurance, at iba pang programa.
Dagdag pa ng DA, magpapatuloy din ang pag-aangkat ng bigas upang matiyak ang sapat na suplay sa bansa sakaling maapektuhan ang ani dahil sa inaasahang El Niño.











