--Ads--

Naitala ang pagbaba ng Philippine Stock Exchange index (PSEi) nitong Biyernes matapos maging maingat ang mga investors habang hinihintay ang paglalabas ng mga pangunahing economic indicators tulad ng inflation rate, labor force survey, at gross domestic product (GDP) ng bansa.

Bumagsak ng 69.31 points o 1.1% ang pangunahing stock index at nagtapos sa 6,236.44 puntos.

Ayon kay Regina Capital Development Corp. Managing Director Luis Limlingan, naging maingat ang galaw ng mga investor habang nagsasagawa ng mga pagbabago sa kanilang portfolio bago ang nakatakdang rebalancing ng PSEi sa susunod na linggo.

Samantala, sinabi ni Philstocks Financial Research Manager Japhet Tantiangco na nakaapekto rin sa merkado ang rekord na laki ng utang ng pamahalaan at ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

--Ads--

Dagdag naman ni RCBC Chief Economist Michael Ricafort, nakadagdag sa pag-aalinlangan ng mga investors ang pansamantalang pagpigil ng korte sa pagpapatupad ng wage hike sa Metro Manila.

Ayon sa kanya, maaaring mabawasan ang inaasahang paggasta ng mga mamimili habang hindi pa nalilinawan ang isyu sa dagdag-sahod, na maaaring makaapekto rin sa kumpiyansa ng merkado.