Nananawagan si Senador Imee Marcos ng masusing imbestigasyon at malinaw na paliwanag mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) kaugnay ng posibleng epekto ng Pax Silica Project sa mga residente ng Capas, Tarlac, partikular sa mga magsasaka at katutubong Aeta na maaapektuhan ng proyekto.
Ikinabahala ng senador ang mga ulat na may mga magsasaka umanong pinatitigil sa pagtatanim at nakararanas ng pananakot upang mapadali ang land conversion sa mga lugar na sakop ng proyekto.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi sapat ang mga pangako ng bilyong dolyar na pamumuhunan at paglikha ng trabaho kung kapalit naman nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mga katutubong komunidad na matagal nang naninirahan sa lugar.
Ayon sa kanya, hindi dapat mawalan ng kabuhayan ang mga magsasakang nagbibigay ng pagkain sa bansa nang walang sapat na konsultasyon at malinaw na pagpapaliwanag sa magiging epekto ng proyekto.
Batay sa mga ulat, aabot sa halos 1,600 ektarya ng lupa ang maaapektuhan ng development project, kabilang ang mga lupang sinasaka ng 92 magsasaka at mga katutubong Aeta.
Dahil dito, iginiit ni Marcos na dapat tiyaking naaayon sa batas ang anumang land use conversion, alinsunod sa Administrative Order No. 1, Series of 2002 ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Aniya, kinakailangang magkaroon muna ng malawakang konsultasyon sa mga apektadong sektor bago simulan ang konstruksyon, lalo na’t may mga ulat ding mangangailangan ang proyekto ng malaking suplay ng tubig at kuryente na kabilang sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan.









