--Ads--

Naglabas ng magkakasunod na pahayag sa Facebook sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at ilan niyang kaalyado sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, kung saan inihayag ng mga ito na “inaatake” ang Senado kasabay ng mga ulat ng putukan sa loob ng gusali ng Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Dela Rosa, na kasalukuyang nasa loob ng Senado habang umiiral ang lockdown kaugnay ng umano’y pag-iwas sa arrest warrant mula sa International Criminal Court, nag-post siya ng mensaheng “The Senate is under attack! Pls help us,” at isa pang pahayag na humihingi ng tulong mula sa mga kapwa alumnus ng Philippine Military Academy.

Samantala, nananatiling hindi pa malinaw ang pinagmulan ng mga putok ng baril. Sa ngayon, wala pang ahensya na umaako sa insidente, ngunit kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi mula sa puwersa ng gobyerno ang putukan.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng putok.

--Ads--

Si Remulla ay personal na nagtungo sa Senado upang pangasiwaan ang pagsisiyasat at operasyon ng mga awtoridad.

Nag-post din si Senador Dela Rosa ng hiwalay na mensahe na “We are under attack,” habang si Senate President Cayetano ay nag-Facebook Live at kinumpirma na nasa ilalim ng “alleged attack” ang Senado habang nagpapatuloy ang lockdown. Makikita rin sa kanyang live video sina Senador Pia Cayetano at Camille Villar habang naghihintay ng paglilinaw sa sitwasyon.

Samantala, naglabas ng serye ng mga video si Senador Imee Marcos kung saan may mga pahayag siyang nagsasabing may utos umano ng pag-aresto at may mga pag-atake sa loob ng Senado. Wala namang kumpirmasyon sa mga naturang alegasyon.

May mga ulat din ng ingay na tila pagbabarena malapit sa mga pintuan na konektado sa GSIS parking area, ang gusaling pag-aari ng Government Service Insurance System na inuupahan ng Senado.

Nagtungo rin sa Senado si Senador Bong Go at nanawagan ng panalangin para sa kapayapaan at kaligtasan sa loob ng institusyon.