--Ads--

Handa si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez na harapin ang isasagawang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kanyang umano’y pagkakasangkot sa kontrobersiya sa mga flood control project.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na naghahanda na sila para sa imbestigasyon at sasagutin ng mambabatas ang lahat ng alegasyong ibinabato laban sa kanya sa pamamagitan ng tamang proseso.

Ayon kay Fajardo, nananatili si Romualdez sa bansa at patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte, taliwas sa mga ulat na umano’y umiiwas ito sa imbestigasyon.

Iginiit din ng abogado na walang ebidensiyang direktang nag-uugnay kay Romualdez sa anumang iregularidad at ang naging papel lamang nito ay ang pagpirma sa panukalang pambansang badyet bilang bahagi ng kanyang ministeryal na tungkulin.

--Ads--

Aniya, wala ring natuklasang ebidensiya ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na mag-uugnay kay Romualdez sa naturang isyu.

Ipinaliwanag ni Fajardo na hindi kabilang si Romualdez sa bicameral conference committee, small committee, o technical working group na may kinalaman sa pagtalakay at pagbuo ng pondo para sa mga proyekto.

Kaugnay naman ng mga ulat na gagamitin ng Ombudsman ang testimonya ng mga sinasabing dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, sinabi ni Fajardo na matagal na nilang kinukuwestiyon ang kredibilidad ng mga ito.

Tinukoy niya ang mga tinaguriang “maleta boys” at iginiit na maging ang Ombudsman umano noon ay nagsabing ang kanilang mga pahayag ay maaaring bahagi ng tangkang destabilisasyon laban sa administrasyon.

Dagdag pa ni Fajardo, nagsampa rin ng kasong perjury at libel ang Department of Justice laban sa mga naturang testigo.

Binanggit din niya na sa orihinal na affidavit ng mga “maleta boys,” mahigit 20 mambabatas ang kanilang pinangalanan na umano’y pinag-abutan ng pera, ngunit si Romualdez na lamang ang naiwan sa kasalukuyang preliminary investigation.

Ayon sa abogado, nakababahala umano na tila si Romualdez lamang ang natitirang iniimbestigahan kaugnay ng alegasyon, bagay na aniya’y taliwas sa prinsipyong pantay-pantay na pagtrato sa lahat ng sangkot sa kaso.