--Ads--

Sugatan ang isang 67-anyos na negosyante at isa nitong pasahero matapos masangkot sa salpukan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Palattao, Naguilian, Isabela, bandang alas-8:05 kagabi, Agosto 3.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Arvin Asuncion, hepe ng Naguilian Municipal Police Station, sinabi niyang sangkot sa insidente ang isang sasakyan na minamaneho ng 32-anyos na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Ilagan Component City Police Station, isang sport utility vehicle (SUV) na minamaneho ng nasabing negosyante, at isang pampasaherong bus na minamaneho ng 33-anyos na drayber mula sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay PCapt. Asuncion, kapwa bumibiyahe patungong hilaga ang sasakyan ng pulis at ang SUV nang maganap ang banggaan sa northbound lane ng national highway.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawalan ng kontrol ang SUV at napunta sa kabilang linya ng kalsada bago tuluyang sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus na patungong Cauayan City.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at rescue personnel sa lugar ng insidente. Isinugod sa ospital ang drayber ng SUV at kanyang pasahero matapos magtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari, kabilang ang mga posibleng sanhi ng aksidente at ang pananagutan ng mga sangkot.

Samantala, nagtamo rin ng pinsala ang tatlong sasakyang nasangkot sa aksidente at dinala sa Naguilian Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.

Muli namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na maging maingat at responsable sa pagmamaneho, sumunod sa mga batas-trapiko, at iwasan ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.