Bahagyang bumaba ang lokal na stock market habang nananatiling maingat ang mga mamumuhunan sa paghihintay ng ulat hinggil sa paglago ng ekonomiya ng bansa at sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Nagsara ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) sa 6,277.95 points matapos bumaba ng 8.36 points o 0.13 %. Ayon sa Philstocks Financial Inc., naghinay-hinay ang mga investor habang hinihintay ang datos ng gross domestic product (GDP) na magsisilbing batayan ng kalagayan ng ekonomiya.
Dagdag pang nagpabigat sa sentimyento ng merkado ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, gayundin ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa batay sa pinakahuling labor report.
Nananatiling mababa ang aktibidad sa pangangalakal kung saan umabot lamang sa P5.64 bilyon ang net value turnover. Nagtala rin ng net outflow na P323.68 milyon ang mga dayuhang mamumuhunan.









