Patuloy na tumataas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa unang linggo ng Agosto bunsod ng paggalaw ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, bagama’t may isang LPG brand na inaasahang magpapatupad ng rollback ngayong linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robinson Calderon, LPG dealer, sinabi nitong karamihan sa mga LPG brands ay nagpatupad ng price increase na mula P2 hanggang P3 kada kilo, katumbas ng humigit-kumulang P30 hanggang P40 na dagdag sa bawat 11-kilogram cylinder.
Aniya, ang pinakamababang presyo ng isang 11-kilogram LPG cylinder ay nasa mas mababa sa P1,200, habang ang pinakamataas ay umaabot na sa P1,411.
Ipinaliwanag ni Calderon na ang panibagong pagtaas ng presyo ay dulot pa rin ng pabago-bagong sitwasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nakaapekto sa contract price ng LPG sa pandaigdigang merkado. Dahil dito, napilitan umanong magtaas ng presyo ang karamihan sa mga kumpanya matapos mailabas ang opisyal na contract price noong Agosto 1.
Gayunman, sinabi niyang may isang LPG brand na nag-anunsyo ng P2 rollback kada kilo na ipatutupad ngayong linggo dahil sa bahagyang pagbaba ng shipping cost. Sa kabila nito, may posibilidad pa ring magtaas ng presyo ang ilang iba pang brands sa susunod na linggo.
Ayon pa kay Calderon, kapansin-pansin na mas updated na ngayon ang mga consumer sa galaw ng presyo ng LPG kaya agad nilang nalalaman kung may price increase o rollback.
Pinayuhan din niya ang publiko na patuloy na subaybayan ang price adjustments upang makapagplano nang maayos ng kanilang budget, lalo na ngayong papasok ang ber months kung kailan karaniwang tumataas ang presyo ng LPG.










