Posibleng suspendihin ang excise tax sa LPG at kerosene habang patuloy na tumataas ang presyo ng Dubai crude oil sa international market.
Hinihintay ng Department of Finance (DOF) ang certification ng Department of Energy (DOE) na lumampas sa 80 dolyar kada bariles ang Dubai crude, na siyang itinakdang threshold para sa tax suspension.
Kapag nakumpirma ito, nakahanda ang DOF na irekomenda sa Development Budget Coordination Committee ang 100-percent suspension ng excise tax sa dalawang produktong petrolyo.
Samantala, tumaas na ang presyo ng kerosene ng ₱5.58 kada litro, gasoline ng ₱4.69 at diesel ng ₱5.18 sa nakaraang adjustment.
Inaasahan pa ang panibagong taas-presyo sa susunod na linggo habang nananatiling mataas ang global oil prices.
Umabot naman sa $114.91 kada bariles ang Dubai Crude (Platts) noong Setyembre 11, kahit bumaba ito mula sa nakaraang session.










