Inaasahan ang panibagong pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas o LPG sa Cauayan City simula Oktubre 10, 2026, kung saan aabot sa ₱55 ang dagdag-presyo sa isang 11-kilogram na tangke ng isang brand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robinson Calderon, isang LPG dealer sa lungsod, sinabi niyang magkakaiba ang iskedyul ng pagtaas ng presyo depende sa brand.
Aniya, may mga brand na lingguhang nagtataas ng presyo, habang ang iba naman ay nagsasagawa ng price adjustment dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo upang hati-hatiin ang kabuuang dagdag-presyo.
Ayon kay Calderon, may isang brand na magtataas ng ₱5 kada kilo, katumbas ng ₱55 sa isang 11-kilogram na tangke. May isa pang brand na magpapatupad naman ng ₱30 na dagdag-presyo kada tangke.
Ipinaliwanag niyang kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ang pagmahal ng contract price at ang nagpapatuloy na sigalot sa Middle East, na nakaaapekto sa pandaigdigang presyo at suplay ng LPG.
Samantala, kailangan pa ng karagdagang kumpirmasyon sa ulat na may epekto rin ang sitwasyon sa China sa suplay ng LPG sa Pilipinas.
Dahil dito, inaasahang madaragdagan ang gastusin ng mga pamilyang gumagamit ng LPG sa pang-araw-araw na pagluluto. Pinapayuhan ang mga mamimili na alamin ang kasalukuyang presyo sa kanilang lugar at paghandaan ang posibleng dagdag-gastos.











