Natukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) ang drayber ng van na pinaniniwalaang ginamit sa pagdadala at pagbaba ng ataul na may mensaheng laban sa Chinese Communist Party sa Welcome Rotonda noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa QCPD, nahanap at nakapanayam ang drayber sa isinagawang follow-up operation. Inamin umano nito na ang kanyang Toyota Hi-Ace na may plakang NIK 6874 ay inupahan at ginamit sa naturang aktibidad.
Sa kanyang salaysay, sinabi ng drayber na magkakaibang sasakyan ang ginamit sa bawat lugar kung saan iniwan ang mga ataul. Aniya, tumanggap ang bawat drayber ng ₱8,000 habang ₱1,000 naman ang ibinayad sa bawat helper na tumulong sa pagbaba ng mga ito.
Hindi muna isinapubliko ng pulisya ang pagkakakilanlan ng drayber at wala pa ring inilalabas na iba pang detalye hinggil sa kanyang pahayag.
Ang ataul na natagpuan sa Welcome Rotonda ay kabilang sa limang magkakahiwalay na ataul na iniwan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila noong Biyernes ng umaga. Natagpuan din ang iba sa Boy Scout Circle sa Quezon City, Santa Cruz sa Maynila, Barangay 54 sa Caloocan, at Gil Puyat Avenue sa Makati.
Nauna nang iniulat ng QCPD na may nakapaskil sa ataul ang mensaheng “Chinese Communist Party Greedy! Salot!” Samantala, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), may saksi umanong nakakita sa tatlong lalaki at isang babae na nagbaba ng isa sa mga ataul sa Quezon City.







