Binigyang-diin ng isang security analyst at military diplomacy expert na bagama’t may karapatan ang mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin, hindi nararapat ang pag-iwan ng mga kabaong na may mga larawan ng mga lider ng China sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila dahil maaari itong magdulot ng maling mensahe at makaapekto sa diplomatikong ugnayan ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Chester Cabalza, sinabi niya na maaring bunga na ito ng lumalalim na pagkadismaya at galit ng ilang Pilipino kaugnay ng umano’y patuloy na pangha-harass at pambu-bully ng China sa mga lugar sa West Philippine Sea na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Dr. Cabalza, sa pamamagitan ng naturang pagkilos ay ipinapakita ng ilang mamamayan ang kanilang saloobin at protesta laban sa mga aksyon ng China na nakaaapekto sa soberanya at pambansang interes ng bansa.
Gayunman, binigyang-diin niya na bagama’t may karapatan ang mga mamamayan na ipahayag ang kanilang mga opinyon at sentimyento sa ilalim ng freedom of expression, mahalaga pa ring maisagawa ito sa paraang mapayapa, responsable at naaayon sa batas.
Aniya, dapat tiyakin na ang anumang uri ng protesta ay hindi magdudulot ng takot, banta o panganib sa ibang tao at hindi makaaapekto sa diplomasya at ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa.
Dagdag pa ni Cabalza, mahalagang maiparating ang mensahe ng mga mamamayan sa tamang pamamaraan upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kalayaan sa pagpapahayag at paggalang sa umiiral na mga batas at international relations ng bansa.











