--Ads--

Hinihiling ng National Public Transport Coalition ang mas malinaw na pagkakahati at dagdag na pondo para sa road transport sector sa panukalang mahigit P300-billion na budget ng Department of Transportation (DOTr).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Convenor Ariel Lim ng National Public Transport Coalition, sinabi niyang mahalagang makita kung saan eksaktong ilalaan ang naturang pondo dahil hindi pa umano malinaw kung magkano rito ang mapupunta sa road transport.

Aniya, kabilang sa dapat paglaanan ng pondo ang fuel subsidy program, lalo na at isa ito sa pangunahing problema ng mga public transport operators at drivers tuwing tumataas ang presyo ng produktong petrolyo. Dapat ding magkaroon ng sapat na pondo para sa mga biglaang krisis at emergency upang hindi laging umaasa sa pansamantalang ayuda.

Iginiit din ni Lim ang pangangailangang suportahan ang public utility vehicle modernization program, partikular ang mga operator at kooperatibang kumukuha ng loans para makabili ng mga modernized vehicle. Dapat din umanong mabigyan ng sapat na suporta ang mga traditional jeepney at tricycle drivers na kabilang sa mga sektor na direktang naaapektuhan ng pagtaas ng fuel prices.

--Ads--

Samantala, hindi umano kuntento ang grupo sa kasalukuyang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo dahil hindi pa nito nababawi ang malaking itinaas sa mga nakaraang linggo. Dahil dito, iminungkahi ni Lim na pag-aralan ng pamahalaan ang isang mas angkop na sistema sa taripa at pamasahe upang hindi na kinakailangang paulit-ulit na humingi ng fare increase sa tuwing nagbabago ang presyo ng langis.

Aniya, dapat pag-aralan ng economic managers at ng DOTr ang isang mekanismong malinaw at madaling maipaliwanag sa publiko upang malaman ng mga mananakay kung paano naaapektuhan ng pagbabago ng presyo ng langis ang pamasahe, sa halip na puro pansamantalang ayuda ang ipatupad.

Binigyang-diin ni Lim na kailangan ding maging mas mapanuri ang publiko sa paggamit ng pondo ng pamahalaan at alamin kung saan napupunta ang inilaan para sa transportation sector.

Aniya, patuloy na nais magserbisyo ng mga public transport operators at drivers, ngunit kailangan nilang matugunan ang mga problemang matagal nang kinakaharap ng sektor.