--Ads--

Pinalalakas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 ang pakikipag-ugnayan nito sa mga courier services at iba pang concerned stakeholders upang matugunan ang mga nagbabagong modus ng mga drug trafficker sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Salvacion Dela Cruz, PIO ng PDEA R02, sinabi nitong bahagi ito ng kanilang hakbang kasunod ng ginanap na Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng Local Government Units (LGU’s), PDEA at iba pang ahensya sa Cauayan City.

Layunin umano ng MOA na higit pang palakasin ang inter-agency cooperation at anti-drug campaign sa Region 2, partikular sa pagpigil sa paggamit at pagkalat ng illegal drugs.

Ayon kay Dela Cruz, mahalaga ang koordinasyon sa mga courier company dahil sa patuloy na pagdami ng mga ipinapadalang parcel bunsod ng paglaganap ng online shopping.

--Ads--

Aniya, maaaring maging hamon ito sa law enforcement kung gagamitin ng mga drug trafficker ang mga parcel bilang paraan upang maitago at maipadala ang ilegal na droga.

Sinabi rin ni Dela Cruz na mayroon nang random testing ng mga parcel na isinasagawa sa pamamagitan ng kanilang interdiction units bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtukoy sa posibleng presensya ng ilegal na droga sa mga ipinapadalang package.

Samantala, sinabi ng PDEA R02 na sa ngayon ay wala pang validated data na nagpapatunay na ginagamit na ng mga drug trafficker sa Region 2 ang courier services bilang regular na paraan ng transportasyon ng illegal drugs.

Gayunman, hindi umano ito isinasantabi ng ahensya dahil posibleng gamitin ng mga sindikato ang pamamaraang ito sa hinaharap.

Samantala, nagpaalala ang PDEA R02 na hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko dahil patuloy na naghahanap ng pagkakataon ang mga sangkot sa ilegal na droga na makapagsagawa ng kanilang operasyon.

Kabilang dito ang magkakasunod na operasyon ng PDEA noong Agosto 11 at 12 na nagresulta sa pagkakahuli ng ilang personalidad sa Aparri, Cagayan at Santiago City.

Sa Aparri, dalawang anti-drug operations ang isinagawa kung saan isang construction worker na kabilang sa kanilang High Value Target ang nahulihan umano ng 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱68,000.
Sa isa pang operasyon sa Aparri, tatlong personalidad naman ang naaresto matapos umanong makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱91,800.

Samantala, sa Santiago City, nakumpiska naman ang tinatayang 2.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱15,000.

Muling nanawagan ang opisyal sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa kampanya laban sa ilegal na droga.