Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi papayagan ng Pilipinas na gamitin ang teritoryo o mga base militar nito bilang lunsaran ng anumang offensive operation sakaling sumiklab ang sigalot sa pagitan ng China at Taiwan.
Sa pakikipagpulong sa mga foreign correspondent, sinabi ng Pangulo na walang interes ang bansa na makisangkot sa anumang digmaan at nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagprotekta sa teritoryo ng Pilipinas at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Binigyang-diin niya na hindi naaayon sa polisiya ng kanyang administrasyon ang paglulunsad ng pag-atake mula sa teritoryo ng Pilipinas laban sa ibang bansa.
Ayon pa kay Marcos, ang mga hakbang na maaaring gawin ng Estados Unidos o iba pang bansa ay nakabatay sa kani-kanilang sariling foreign policy at hindi sa patakaran ng Pilipinas.
Dagdag niya, bagama’t may matagal nang ugnayang pangkalakalan ang Pilipinas at Taiwan dahil sa kanilang lokasyon, nananatili itong nasa loob ng mga limitasyong itinakda ng One China Policy na sinusunod ng bansa.











