--Ads--

Iginiit ng grupo ng mga magsasaka na dapat tiyakin ng pamahalaan na mapupunta sa mga kapaki-pakinabang na programa ang inilaang pondo para sa sektor ng agrikultura sa panukalang National Budget para sa 2027.

Nakapaloob sa panukalang budget ang P261.7 bilyon para sa agrikultura na gagamitin sa suporta sa mga magsasaka, pagpapalawak ng irigasyon, repormang agraryo, seguridad sa pagkain at iba pang kaugnay na programa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers (FFF) Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi nito na hindi sapat ang malaking pondo kung hindi naman ito maayos na maipatutupad upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka.

Ayon kay Montemayor, patuloy pa ring malulugi ang mga magsasaka kung hindi magiging epektibo ang pagpapatupad ng mga programang popondohan ng pamahalaan.

--Ads--

Aniya, mas makabubuting bigyan ng higit na pansin ang mga programang para sa non-rice sector dahil mahigit 60 porsiyento ng budget para sa agrikultura ay nakalaan na sa mga programa para sa palay.

Dagdag pa niya, mahalagang mabigyan din ng sapat na suporta ang iba pang subsector ng agrikultura, kabilang ang mga nagtatanim ng high-value crops at iba pang local food products, upang mapalawak ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan ng mas maraming magsasaka.

Upang hindi masayang ang inilaang pondo, iginiit ng grupo na bawasan ang pagdepende sa importasyon at higit na suportahan ang mga lokal na produkto upang mapalakas ang kita at kakayahang makipagsabayan ng mga magsasakang Pilipino.

Nilinaw naman ni Montemayor na hindi sila tutol sa importasyon ng mga agricultural products. Gayunman, sinabi niyang dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi ito isinasagawa kasabay ng panahon ng anihan dahil nakaaapekto ito sa presyo at kita ng mga lokal na magsasaka.

Ayon sa kanya, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na produkto na maibenta sa makatarungang presyo upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mahikayat silang ipagpatuloy ang produksyon.