Nakaligtas si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek ang kaniyang convoy sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado ng hapon, Agosto 15.
Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, naganap ang pananambang bandang alas-4:45 ng hapon habang patungo si Macacua sa Cotabato City mula sa bayan ng Kabuntalan kung saan dumalo siya sa isang pagtitipon ng Bangsamoro Federalist Party (BFP).
Sa kabila ng pag-atake, kinumpirma ng kaniyang mga security personnel na ligtas at hindi nasugatan ang Chief Minister. Agad namang ipinagpatuloy ng convoy ang biyahe hanggang makarating sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Batay sa ulat, tinamaan ng ilang bala ang armored vehicle ni Macacua, kabilang ang bahagi sa tabi ng drayber. Tinamaan din ng mga bala ang dalawa pang armored vehicles na kasama sa convoy.
Ilang oras bago ang insidente, pansamantalang naantala ang pagtitipon ng BFP sa Barangay Gambar, Kabuntalan matapos magsagawa ng inspeksyon ang mga bomb experts sa mga pinaghihinalaang improvised explosive device sa gilid ng kalsada sa Barangay Payan.
Sa naturang pagtitipon, pormal na sumapi si Macacua sa BFP at nahalal bilang chairman at presidente ng partido.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pananambang. Nagsasagawa rin ng hot pursuit operations ang mga awtoridad habang mahigpit na binabantayan ang lugar ng insidente.
Sa ngayon, wala pang pahayag si Macacua kaugnay ng naganap na pag-atake at wala pang kumpirmasyon ang mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa politika o iba pang usaping panrehiyon.









