Kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang tinawag nitong “senseless and cowardly ambush” laban sa kanilang mga tauhan sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong gabi ng Marso 28, 2026. Limang (5) pulis ang nasawi habang tatlo (3) ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa pahayag, inatake ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek ang mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company habang pauwi na sa kanilang detachment matapos magsagawa ng patrol at police visibility operations.
“This heinous act is a direct assault on law enforcement and a threat to peace and order,” ayon sa PNP.
Agad na isinugod sa mga kalapit na ospital ang mga sugatang personnel at kasalukuyang ginagamot.
Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., inilunsad na ng ahensya ang pinaigting na hot pursuit operations katuwang ang Armed Forces of the Philippines upang matukoy at mahuli ang mga responsable sa pag-atake.
Tiniyak ng PNP na ginagawa nila ang lahat ng kinakailangang hakbang upang makamit ang hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang pulisya sa mga naulila ng mga nasawi, na kanilang inilarawan bilang mga indibidwal na nagpakita ng tapang at dedikasyon sa kanilang tungkulin.
“We will not waver. This attack will not go unanswered. Justice will be swift, certain, and uncompromising,” ani Nartatez.
Patuloy ang operasyon sa lugar habang pinapalakas ang seguridad sa Shariff Aguak at mga kalapit na komunidad.










