--Ads--

Ipinakita ng prosekusyon ang isang 13-seconds video at dalawang black-and-white na larawan sa unang araw ng bail hearing sa kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa prosekusyon, ang mga kuha ay mula kay George Villalon Jr., isa sa mga tinaguriang “maleta boys” at testigo sa pagdinig nitong Lunes ng umaga, Oktubre 12.

Sa video, makikita ang ilang indibidwal na nagsasalansan ng mga maleta, habang iilang maleta naman ang makikita sa dalawang larawan.

Ayon sa testimonya ni Villalon, ipinadala niya sa kaniyang asawa ang mga larawan bago ihatid ang mga maleta, kasama ang mensaheng pera umano ang laman ng mga ito at ihahatid nila kay Romualdez. Ipinadala rin niya ang video bilang update matapos umano nilang maihatid ang mga maleta sa bahay na iniuugnay kay Romualdez sa McKinley Road noong Nobyembre 21, 2023.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Villalon na wala na sa kaniya ang cellphone na ginamit sa pagkuha ng video. Ang ipinrisenta sa pagdinig ay kopyang nagmula sa pag-uusap nila ng kaniyang asawa sa Facebook Messenger, na isinave sa laptop at inilipat sa USB.

Dahil dito, hinihiling ng depensa na mapatunayan muna ang pagiging tunay o authenticity ng naturang video.