--Ads--

Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga suspek sa pamamaril na ikinasawi ng isang 40-anyos na meat vendor sa Barangay Calaocan, Cabatuan, Isabela.

Naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi nitong Agosto 15 sa mismong puwesto ng biktima sa kahabaan ng national highway sa Barangay Calaocan, na nasa harapan lamang ng kanilang bahay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneal Jay Dumayas, Chief of Police ng Cabatuan Police Station, sinabi nito na batay sa imbestigasyon, huminto sa harap ng stall ang isang motorsiklong sinasakyan ng riding-in-tandem na kapwa nakasuot ng helmet. Bumaba ang angkas at nagtanong kung magkano ang isang kilo ng karne.

Habang naghihiwa ng karne ang asawa ng biktima, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na noo’y nakatayo malapit sa tadtaran ng karne.

--Ads--

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Narekober naman ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng insidente ang apat na basyo ng kalibre .45 na baril.

Patuloy na kinukuha ng pulisya ang mga salaysay ng mga nakasaksi habang isinasailalim sa backtracking ang mga CCTV footage na maaaring nakahagip sa mga suspek.

Ayon sa paunang impormasyon na nakuha ng mga awtoridad mula sa pamilya ng biktima, kabilang sa mga anggulong sinisilip sa imbestigasyon ang posibleng inggit sa negosyo ng biktima sa pagtitinda ng karne ng baboy.

Mayroon na ring person of interest na iniimbestigahan kaugnay ng kaso.

Nagpalabas na rin ng flash alarm ang pulisya at humingi ng tulong sa mga kalapit na himpilan upang matunton at maaresto ang mga salarin.