Sugatan ang labing-isang estudyante matapos magpaputok ang isang estudyante sa labas ng kanilang high school sa Manisa Province, western Turkey, nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Justice Minister Akin Gurlek, dalawa sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon. Nahuli naman ang suspek habang isinailalim sa kustodiya ang kanyang ina, ama at lolo na umano’y may-ari ng baril na ginamit sa insidente.
Naganap ang pamamaril dakong alas-8 ng umaga sa Inci Uzmez Vocational and Technical Anatolian High School sa Turgutlu district. Hindi pa malinaw ang motibo sa pag-atake.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakuha ng estudyante ang baril, kung paano ito itinago, pati ang responsibilidad ng mga magulang sa pangangalaga at pagbabantay sa kanya. Sinisilip din ang alegasyon ng bullying bago ang insidente.
Dahil sa dalawang nakamamatay na school shooting noong Abril, nagpatupad ang Turkey ng mas mahigpit na security measures at gun controls para sa school year 2026–2027.











