--Ads--

Nagbabala si Education Secretary Sonny Angara sa publiko laban sa pagbubuo ng konklusyon batay sa mga hindi pa beripikadong ulat tungkol sa posibleng bullying o online influence na maaaring naging dahilan ng pamamaril ng isang estudyante sa isang paaralan sa Zamboanga City.

Ayon kay Angara, wala pang kumpirmasyon na nakaranas ng bullying ang estudyanteng sangkot sa pamamaril.

Nilinaw din ng kalihim na hindi pa napatutunayan kung nakaranas ng depression ang estudyante o kung naimpluwensiyahan ito ng ibang tao o online content.

Aniya, posibleng may naging papel ang mga ito sa insidente, ngunit kailangan pa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na dahilan ng pamamaril.

--Ads--

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga posibleng nagtulak sa estudyante na isagawa ang pamamaril.

Nagbabala rin si Angara laban sa mga nag-aakalang guro ang naging target ng estudyante.

Ayon sa kalihim, pumasok umano ang estudyante sa dalawang classroom. Hindi ito nagpaputok sa unang classroom ngunit nagpaputok sa ikalawa.

Dahil dito, sinabi ni Angara na hindi pa malinaw kung sino talaga ang target ng pamamaril.

Binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat ituring na established facts ang mga posibilidad at alegasyon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.