Nagsagawa ng Buy-and-Save Operations ang Department of Agriculture Region 2 para matulungan ang mga magsasaka ng gulay sa Nueva Vizcaya at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region na nahihirapang mailabas at maibenta ang kanilang mga ani dahil sa patuloy na pag-ulan at epekto ng masamang panahon.
Pinangunahan ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino ang operasyon sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Experiment Station o NVES, katuwang ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal o NVAT.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aquino, sinabi niyang layunin ng intervention na mabawasan ang pagkalugi at pagkasayang ng mga gulay na hindi agad naibebenta sa trading center dahil sa mga problema sa transportasyon.
Nilinaw ni Aquino na hindi oversupply ang problema, kundi ang hirap ng mga magsasaka na mailabas ang kanilang ani at maihatid ito sa NVAT dahil sa masamang lagay ng panahon at mga landslide na nakaapekto sa ilang kalsada.
Umabot sa 1,200 kilo ng Chinese cabbage o wombok at 63 crates ng kamatis ang nabili ng DA Region 2 bilang bahagi ng Buy-and-Save Operations.
Ayon kay Aquino, mabilis masira ang mga gulay o highly perishable kaya kinakailangang agad itong maibenta at maihatid sa cold storage facilities upang mapanatili ang kalidad at maiwasan ang pagkasayang.
Dagdag pa niya, may ilang buyers din na hindi tumatanggap ng ilang gulay dahil bumaba ang kalidad ng mga ito dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang linggo.
Samantala, ang mga nakuhang gulay mula sa operasyon ay inilaan para ibenta sa KADIWA Pop-Up Store ng DA Region 2 sa San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan ngayong Agosto 20.
Ayon kay Dir. Aquino, bahagi ang Buy-and-Save Operations ng patuloy na market monitoring at market intervention ng DA Region 2, katuwang ang NVAT, upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani, mabawasan ang post-harvest losses at maiwasan ang pagkalugi.
Sa pamamagitan nito, layunin din ng ahensya na matiyak na makararating sa mga mamimili ang mga lokal na produktong gulay habang nabibigyan ng agarang suporta ang mga magsasakang apektado ng masamang panahon.











