Dalawampu’t limang dating driver at security aide ng dating kongresistang si Zaldy Co ang nagsumite ng mga sinumpaang salaysay na kumukuwestiyon sa naunang testimonya ng 18 “maleta boys” na nag-ugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y budget kickback scheme.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, ilalakip ang mga sworn affidavit sa supplemental counter-affidavit na ihahain ng dating Speaker sa Office of the Ombudsman ngayong Huwebes, Agosto 20.
Layunin umano ng mga bagong salaysay na kontrahin o linawin ang mga naunang alegasyon ng 18 “maleta boys” na sinasabing may kinalaman sa umano’y paghahatid ng pera kaugnay ng mga proyekto at budget ng pamahalaan.
Ang paghahain ng supplemental counter-affidavit ay bahagi ng hakbang ni Romualdez upang sagutin ang mga alegasyong inihain laban sa kanya sa Ombudsman.







