Nabigo ang Gilas Pilipinas Women sa kanilang unang laro sa FIBA Women’s Olympic Pre-Qualifying Tournament 2026 matapos yumuko sa Mexico, 61-58, sa Arena Astros sa Guadalajara, Mexico.
Nanguna sa Gilas ang point guard na si Vanessa De Jesus na nagtala ng 15 points, habang may 14 points naman si center Jack Animam. Nag-ambag din sina Gabby Dela Rosa at Sophia Dignadice ng tig-walong puntos.
Maagang umarangkada ang Pilipinas matapos kumamada si De Jesus ng 13 points sa first half at makabuo ang koponan ng 15-point lead, 35-20, sa second quarter.
Ngunit unti-unting nakahabol ang Mexico at naibaba ang kalamangan ng Gilas sa apat na puntos, 43-39, pagdating ng third quarter.
Muling nakabawi ang Pilipinas sa pangunguna nina Jhazmin Joson at Dignadice, ngunit hindi napigilan ang pag-arangkada ng Mexico na tuluyang maagaw ang 59-57 kalamangan sa huling bahagi ng fourth quarter.
Nakapagdikit pa ang Gilas sa 58-59 matapos ang free throw ni Animam, ngunit nakapuntos si Destiny Pitts para sa Mexico.
Tuluyang nawala ang pagkakataon ng Pilipinas na mahabol ang laro nang maagawan ni Anisa Jeffries si De Jesus sa mga huling sandali.
Makakabangon ang Gilas Women sa kanilang susunod na laban kontra No. 7 Canada.











