--Ads--

Tiniyak ni Senate President pro tempore Tito Sotto III na hindi na mauulit sa 2027 national budget ang mga probisyong idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon sa mga pambansang badyet ng 2024, 2025 at 2026.

Ayon kay Sotto, hindi nila papayagan ang anumang pagbabago sa panukalang budget para sa susunod na taon na lalabag sa naging desisyon ng Supreme Court.

Tulad ng ginawa sa 2026 national budget, magiging transparent at livestreamed din ang deliberasyon ng bicameral conference committee upang matiyak na malinaw sa publiko ang mga talakayan at kung saan ilalaan ang pondo ng bayan.

Nauna nang sinabi ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na bukod sa livestreaming, ipagpapatuloy din nila ang paglalathala sa website ng Senado ng mga dokumento ng budget mula sa bersiyong inaprubahan ng Kamara hanggang sa bicameral conference committee upang masuri at mabantayan ng publiko.

--Ads--

Sa inilabas na ruling, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang 2024 at 2025 national budget dahil sa pagpapalaki ng alokasyon para sa unprogrammed appropriations. Samantala, ilang special provision naman sa 2026 national budget ang idineklarang unconstitutional dahil sa pagiging masyadong malawak, kawalan ng malinaw na pamantayan sa pagbibigay-priyoridad, at pagkakaroon ng mga probisyong maituturing na lump sum.