--Ads--

Humingi ng paumanhin ang Chinese Taipei Basketball Association (CTBA), organizer ng 2026 William Jones Cup, matapos ang biglaang pagbabago sa format ng torneo na nakaapekto sa tsansa ng Strong Group Athletics (SGA) na makamit ang ikatlong sunod na kampeonato.

Ayon sa CTBA, binago ang format upang mabigyan ng pagkakataong makapasok sa semifinals ang host team na Chinese Taipei Blue, na humina umano dahil sa mga injury ng kanilang mga pangunahing manlalaro at pagsabak ng mga batang players.

Sa kabila ng 1-4 rekord ng Taipei Blue sa Group A, sigurado pa rin itong makakapasok sa semifinals bilang host team.

Dahil dito, nalagay sa alanganin ang SGA na may 4-1 rekord matapos mabigong maabot ang kinakailangang 32-point winning margin laban sa South Korea upang mapanatili ang tiyansa sa Final Four.

--Ads--

Sa inilabas na pahayag, kinilala mismo ng CTBA na ang SGA ang isa sa mga pinakaapektado ng bagong format, bagama’t pinuri nito ang ipinakitang laro ng koponan ni coach Charles Tiu.

Sinabi rin ng CTBA na layunin ng pagbabago na mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na tagasuporta na mapanood ang kanilang koponan sa semifinals at mabigyan ng sapat na pahinga ang lahat ng kalahok na koponan.

Sa kabila nito, tiniyak ng CTBA na pag-aaralan pa nila ang format ng mga susunod na torneo upang matugunan ang inaasahan ng mga team at mga fans.