Naniniwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mahalagang mapababa ang gastos at mapadali ang pag-access sa financial services upang mas maraming Pilipino ang makapasok sa pormal na sistemang pinansyal.
Ayon sa BSP, hindi sapat ang pagdami ng account holders at paggamit ng digital payments kung hindi naman abot-kaya at madaling gamitin ang mga serbisyong pinansyal. Isa umano sa pangunahing dahilan ng hindi paggamit ng digital payments ay ang mataas na gastos sa transaksyon.
Dagdag ng BSP, patuloy itong nagpapatupad ng mga programa para sa mas murang bank accounts, pagpapalawak ng digital payments, at pagpapataas ng financial literacy upang matulungan ang mga Pilipino na mas maayos na mapamahalaan ang kanilang pananalapi at makapaghanda sa mga krisis pinansyal.








