Binatikos ni Palace Press Officer Claire Castro si Senador Imee Marcos dahil sa naging pahayag nito kaugnay ng kontrobersiya sa naunang komento ni Castro tungkol sa moralidad ng ilang guro.
Nag-ugat ang isyu sa pahayag ni Castro na may ilang guro na hindi naging mabuting halimbawa sa kanilang mga estudyante, na agad umani ng batikos sa social media.
Nilinaw naman ni Castro na hindi niya sinisisi ang mga guro at nais lamang niyang bigyang-diin ang mahalagang papel nila sa paghubog ng kabataan.
Sa isang video na inilabas ni Marcos sa kanyang social media account, kinuwestiyon nito ang pagsisi sa mga guro kaugnay ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Castro, dapat munang panoorin ng senador ang buong press briefing upang maunawaan ang kabuuang konteksto ng kanyang mga pahayag.
Iginiit din ni Castro ang kahalagahan ng critical thinking at pinayuhan si Marcos na huwag basta umasa sa mga inihandang script ng kanyang staff.
Kinuwestiyon din ni Castro ang pagiging angkop ng mga pahayag ni Marcos bilang isang senador, lalo na ang mga salitang maaari umanong makapanira sa ibang tao.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpalitan ng maaanghang na pahayag sina Castro at Marcos matapos ang nauna nilang banggaan kaugnay sa mga naging komento ng senador laban sa Palace official.










