Sinabihan ng Malacañang ang mga kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumili ng “baldeng utak” upang mas maunawaan umano ang plano ng pamahalaan matapos pagtawanan ang payo ng Pangulo sa publiko na maghanda ng mga balde para sa posibleng kakulangan sa tubig dulot ng Super El Niño.
Sa pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, iginiit nitong dapat munang pakinggan at unawain ang kabuuang mensahe ng Pangulo sa halip na ituon lamang ang pansin sa kaniyang pahayag tungkol sa pagbili ng mga balde.
Ayon kay Castro, hindi umano dapat puro negatibo ang pananaw sa mga hakbang ng administrasyon, lalo na sa paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Tinukoy rin ni Castro si Vice President Sara Duterte, na nagpahayag ng pagdududa sa maaasahan ng publiko mula sa Pangulo matapos ang payo nito tungkol sa mga balde.
Matatandaang pinayuhan ni Marcos ang publiko na bumili ng mga balde upang magamit sa pag-iipon ng tubig kapag umulan, bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng Super El Niño.
Dagdag ni Castro, mahalagang maging mapanuri ang publiko at tingnan din ang mga positibong hakbang ng pamahalaan sa halip na puro batikos ang ibigay sa administrasyon.











