Arestado ang isang 37-anyos na negosyante matapos umanong tumakas sa isinasagawang Oplan Sita at sumuway sa mga Pulis na humabol sa kaniya sa Minante 2, Cauayan City.
Ang suspek ay itinago sa alias na Denden, residente ng Caloocan City at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Silawit, Cauayan City.
Ayon sa mga awtoridad, unang pinara ng mga pulis ang suspek dahil sa paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang kawalan ng dokumento ng motorsiklo at hindi pagsusuot ng helmet ng suspek.
Sa halip na sumunod sa mga awtoridad, bigla umanong pinaandar ng suspek ang motorsiklo at tumakas sa lugar, dahilan upang siya ay habulin ng mga pulis hanggang sa barangay Nungnungan 2.
Nang maabutan at mapara, inatasan umano ng suspek na ipakita ang kaniyang driver’s license. Gayunman, sa halip na sumunod sa mga awtoridad, bumaba ito sa motorsiklo at muling nagtangkang umalis sa lugar.
Ayon sa mga pulis, nagbitiw rin umano ang suspek ng mga mapanlait na pananalita laban sa mga pulis at nagpakita ng gitnang daliri habang patuloy na umaalis.
Dahil dito, muling hinabol at tuluyang inaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Sa isinagawang imbestigasyon, naging magulo umano ang suspek at patuloy na hindi sumusunod sa mga pulis sa kabila ng paulit-ulit na utos na kumalma at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Patuloy naman ang isinasagawang dokumentasyon at iba pang proseso ng mga awtoridad kaugnay sa insidente para sa pagsasampa ng nararapat na kaso laban sa suspek.











